Walang Tawiran;
Nakamamatay!
“ Napakamakapangyarihan ng isang writer, sa pamamagitan ng pagsusulat nagagawa niyang patigilin ang dyip. Kaya niyang pabuhusin ang ulan. Maaari niyang hulihin ang mga corrupt na opisyal ng gobyerno.At kaya niyang tuluyang burahin ang kahirapan sa bansa.”
- Ricky Lee-
Sa isang magalaw, mausok, masikip, at nakakaantok na kahong tumatakbo, natagpuan ko ang aking sarili. Hindi ko hinahanap ang sarili ko at kaylan man ay hindi niya ako pinagtaguan, basta natagpuan ko siya. Huwag ka nang makialam. Kwento ko ito. Nakita ko ang aking sarili na pinapanood ang bawat taong kasabay ko sa kinaroroonan ko ngayon. Sa aking pagmamasid sa kanila, nauwi ako sa isang mahirap at nakababagot na gawaing pagiisip. Kung iniisip niyo na madali lang naman ang magisip, muli niyong isipin at isipin pang muli. Ikaw kaya ang magisip ng isang buong kwento na pupuno sa dalawampung pahina ng puting papel. At aking naalala ang deadline ng pasahan ng kwento. Oh! may gulay…, wala pa akong nauumpisahan. At muli kong pinagmasdan ang mga pagmumukha ng mga pasahero. Hindi dahil sa ayokong alalahanin na pasahan na ng kwento sa retorika, kundi ako’y talagang naniniwala at mataas ang aking pag asa na makikita ko ang kasagutan sa aking problema sa pamamagitan ng pagmamasid sa kanila. “Walang imposible”, sabi nga sa wish ko lang, isang programa sa isang istasyon. “o..GMA7 na may bababa ba diyan?”. Naalimpungatan ako sa sigaw ni manong drayber. Whatta coincidence!, ang istasyong nasa isip ko sakto sa kinaroroonan ko ngayon. Wala namang bumaba kaya ako’y muling nahulog sa isang malalim na pagiisip.
Nakakatuwa namang isipin na sa bawat taong nasa loob ng tumatakbong kahong iyon, iba’t ibang klase ng kwento ang natatago. Magkakasama kami ngunit hindi magkakakilala. Kung paanong may sarili akong buhay na pinoproblema, gayon din sila. Hindi ko alam ang kwento ng buhay nila tulad ng hindi nila pagkaalam sa kwento ng buhay ko. Walang koneksyon. Tanging ang abutan lang ng pamasahe ang nakapaguugnay sa amin. Ang pamasahe, lagi na lang ang pamasahe. Ang pamasahe na walang kamalay malay. Ang pamasahe na wala namang naging kasalanan kundi ang maging dahilan ng paghahanap buhay.
“Miss, pwedeng tumabi?” napalingon ako sa pinanggalingan ng boses. Bumilis ang tibok ng aking puso. Nalaglag ang aking panga. Halos mawalan ako ng ulirat sa aking pagmamalabis.”Ang gwapo”, yun na lang ang aking nasambit.
“Hoy miss! pausog...uupo ako.” yun pala ang sinabi ng pasaherong kakasakay lang. Napalingon ako sa iba pang pasahero. Sikip na pala at sa aking tabi na lang ang natitirang bakante. Npahiya naman ako pero balik na ulit sa pagiisip. Hindi ko na sila pinansin. Ganyan talaga ang buhay, minsan kinakailangang madapa para matutunang bumangon. Kung ano man ang koneksyon ng mga pariralang ito sa pangyayari ay lubos akong nagpapasalamat sa nagteks nito sa akin, sapagkat doon ko lang napansin na kailangan ko ng bumaba. Nasa philcoa na pala ako. Makakauwi na rin sa wakas. At nakauwi naman ako ng ligtas. Salamat kay Senator Villar na sumagot sa aking pamasahe. Sabi nga niya, “ang nagpapakahirap, hindi na dapat pinahihirapan”. Ang sabi ko naman, ang nagpapakahirap, sila na lang. Bakit ko pa isasali ang sarili ko? Ano ako hilo? Sino bang may gustong mahirapan?
Ayon nga sa isang pelikula,” ang batang masipag paglaki pagod”. Hindi man ako ganoon kasipag subalit pagod na ako kaya mas pinili kong mahimlay na lang sa higaan sapagkat bukas panibagong hamon na naman ang aking kakaharapin. Dahil bukas..... bukas..... bukas luluhod ang mga tala. At ako’y nakatulog katabi ang litrato ng aking idol na si Sharon Cuneta.
Panibagong umaga na naman para sa akin. Bagong pagsubok na kakaharapin[parang fear factor lang ah]. Tulad ng nakagawian, papasok ako sa Unibersidad na napili ko. Ang Paaralang Utak ang Puhunan. Tama! utakan lang talaga yan. Kung gusto mo magsurvive, paganahin mo paminsan minsan ang kapirasong laman sa ulo mo. Survival of the fittest ang pagaaral sa eskwelahan ko. Matira matibay ika nga. Muli sumakay na naman ako sa kahong nagdudulot ng polusyon sa ating bayan. Ang dami nila. Kung saan saan sila patungo subalit tila kulang pa rin sila sa dami ng mga taong nag-aabang upang dito’y makasakay.
Matapos ang ilang dekada, graduate na ako, di pa din ako makasakay.[joke lang] Naiinip lang ako kaya naalala ko ang sinasabi ng isa naming propesor kapag mabagal kaming sumagot sa klase. At sa wakas, may nahabag din at ako’y pinasakay.
Uyyy .. mga bagong mukha. May kulot, may tuwid, may matangkad at maliit, may bata at mayroon din namang malapit ng mangapit bahay sa kabilang buhay. Pero iba-iba man sila ng kasarian at kalagayang pisikal, lahat sila pare-pareho lang. Lahat sila kapareho ko din na humahanap ng pag-asa sa buhay. Nagmamadali kaya’t tinatangkilik ang kahong tumatakbo para makarating sa paroroonan.
Pagkaraan ng ilang minuto ng byahe, nakarating na ako sa aking patutunguhan. Katulad ng dati, muli kong makakasama ang mga taong naging parte na ng aking buhay. Ang buhay kolehiyo. Ang buhay na masasabing ilang hibla na lang ang pagitan sa reyalidad ng mundo. Sa pagiging kolehiyo, nariyan ang tila imahen ng isang bansa. Mga nangangwartang propesor na parang corrupt na senador. Mga estudyanteng bumabayad para sa marka na kawangis ng mga mayayamang binabayaran ang hustisya. Mga estudyante na patuloy na kinakawawa ng kapwa estudyante na nakaaangat sa buhay. Parang mga mamamayan, diskriminasyon sa pagitan ng mga hampas lupa at ng mga taga alta sociedad. At mga estudyante at mga empleyado na patuloy na nangangarap na makapagtapos at di mawalan ng trabaho. Sila naman ang halimbawa ng mga mamamayan na patuloy na umaasa na umangat sa pagkalugmok sa kahirapan. May pag asa pa nga kaya?
Dumating ako sa kwarto na karaniwang pinagdadausan ng klase. Tulad ng dati, napaaga na naman ako sa pagdating kaya naisip ko na isang magandang pagkakataon ito upang umpisahan ang aking kwento sa retorika. Mahaba haba ding sulatan ito. Bagaman tinutukso ako ni katamaran upang hwag na munang gawin ang kwento, naisip ko na sayang ang oras. Kung maaari ko namang gawin ngayon, bakit ko ipagpapabukas pa. Kaya natalo na naman ng pwersa ng kabutihan ang kampon ng kasamaan dahil kumuha na ako ng papel at panulat at inumpisahan ang aking obra maestra(nga ba?).
Sa isang malayong kapuluan ng Sta.Mesa, Maynila, sa lugar na malapit sa ilog Pasig, bandang silanganan ng bansang pinangalanan ng unang nakasumpong dito na si Dante Guevarra, na P-U-Pinas, naninirahan ang tribu ng mga Inglisero. Mula ang tribung ito sa lahing kung tawagin ay P-U-Pyan. Ang nasabing tribu ang itinalaga ng kanilang mga ninuno upang ipaglaban ang wikang Ingles laban sa mga mapang-api at mapagmataas na mga Tagalog.
Mula pa sa simula ay sinasabing magkalaban na ang mga Inglisero at mga Tagalog. Ayon sa kwento ng isang dekana, nagumpisa daw diumano ang tunggalian sa isang patimpalak. Sa nasabing patimpalak pinagdebatihan kung kanino nga bang wika ang higit na dapat na mamayani. Ang mananalo ang tatanghaling kagalang galang na tribu at paglilingkuran ng matatalo. Malakas ang loob ng bawat panig sa paniniwalang mas mahalaga ang kanilang wika. Syempre. bawat isa’y may punto at argumentong inihain. Ayon sa tribung Inglisero, dapat silang manalo dahil higit silang matalino at magagandang bumigkas ng salita. Hindi nagpahuli ang mga Tagalog na umapelang higit sila sa yaman ng wika at katunayan ang palagiang pagkakaimbento ng mga bagong salita. Masyado daw nahirapan ang mga huwes ayon kay dekana, ayun pala’y isa rin sya sa mga ito[haha]. Muling nangatwiran ang una na ang mga ninuno diumano nila na mga Ingles ay mga bayaning nagtanggol sa bayan. Di nagpahuli ang huli na nagsabing mas bayani sila sapagkat mga ninuno nila ang nagmamay ari ng lupain. Talagang may pagkamatapobre ang mga Tagalog sapagkat wala namang koneksyon ang lupain sa wika,pero ito ay pananaw ko na lamang bilang writer nitong kwento. Wala namang usapan na bawal akong sumingit sa kwento ni dekana di ba?[tawa ulit] Balik sa istorya.
Ayaw magpatalo ng bawat isa. Magkabilang panig ay makikita ang katalinuhan at napaninindiganan na mahalaga ang wika nila.Kaya’t napagpasyahan na lamang daw ng mga huwes na itigil na ang patimpalak dahil baka mauwi lang sa pagkakawatak watak ng lahi. Bawat isa nama’y parehong may punto at mahalaga kahit magkaibang wika pa sila. Bakit pa nga naman pagtatalunan sa halip na magkasundo na lang ang dalawang tribu. At doon natapos ang patimpalak ngunit hindi ang pagpupuyos ng damdamin ng tribung tagalog laban sa kabilang tribu. Hindi nalimutan ng mga tagalog ang pangyayari. Hindi nila kayang tanggapin na pantay lang sila ng mga Inglisero. Naniniwala sila na higit sila sa ibang tribu. Ang pagtatapos ng patimpalak ay naging simula ng lalong mahigpit na laban ng dalawang tribu.
At doon tinapos ni dekana ang kwento kasabay ng paghihikab. Kaya’t nagpaalam na siya sa mga batang Inglesero para matulog. Masyado na daw kasi siyang matanda para tumagal sa mahabang kwentuhan. Makaalis ang dekana nagsitakbuhan ang bata sa kanilang mga magulang na hari at reyna pala ng tribu. Mga anak pala sila nina reyna Cza-cza at haring Glenn. Naalala ko tuloy nung babago pa lang nagliligawan ang mga batang hari at reyna. Hindi niyo naitatanong eh dikit kame ng reyna kaya naikwento niya sa akin ang lovestory nila ng hari. Narito’t subaybayan niyo ang kwentong ikinuwento na ay ikukwento ko pa.
Naglalakad daw noon ang binatang si Glenn para bumili ng paborito niyang puding ng masilayan niyang paparating ang mga dota warriors. Ang mga dota warriors ay ang mga kawal ng hari na naatasang magbantay sa prinsesa. Galit si Glenn sa mga ito sapagkat ang mga ito daw ang dahilan kung bakit nasira ang ipod niya. Close pala sila dati kaya nakakahiram sila ng ipod sa kaniya. Inabangan diumano nitong si Glenn ang mga dota warriors upang puksain. Pinlano niyang barilin ng pellet gun upang mamatay na ang mga ito.Subalit ang plano niya ay hindi natupad. Sa hulihan ng kanyang mga kaaway ay mayroon palang magandang dilag at ito ay lubos na bumighani sa kaniyang puso. Ang magandang dilag na ito ay nagngangalang Cza-cza,ang prinsesa. Sa labis na paghanga ni Glenn sa prinsesa,nagdulot ito upang mapatid siya sa malaking bato at mahulog sa lagoon. Dahil sa nangyari, napansin siya ng prinsesa. Gandang estratehiya ano?. Di pa nagsasalita napansin na agad siya ni Cza-cza.Lupet talaga ni Glenn! astig!
Dahil sa kabutihan ng puso ng prinsesa, inutusan niya ang mga dota warriors para tulungan si Glenn. Dinala niya ang kawawang binata sa palasyo upang gamutin ang mga sugat na natamo niya. Sa pangyayaring ito hindi lamang paghanga angnadarama ni Glenn para sa dalaga, kundi pagibig. Dahil sa pag ibig na ito ipinangako niya sa sarili na oras na gumaling siya liligawan niya ang dalaga, para hindi na daw siya emo. Ang hindi niya alam ay mahal na din siya ng prinsesa.[napakaromantiko] Mabilis naman na gumaling ang binata dahil na rin siguro sa haplos ng pagmamahal ng prinsesa. Ikaw nga naman ang alagaan ng taong iyong minamahal,kung hindi pa naman bumilis ang paggaling.Matapos siyang gumaling araw araw na ang pagdalaw niya sa prinsesa. Ngunit hindi lang pala mga dota warriors ang kontrabida sa buhay niya.....
Isang araw sa pagdalaw niya sa prinsesa napansin niyang matamlay ito. Dahil tsismoso siya tinanong niya dito ang dahilan. Ang kasagutan ay talagang dumurog sa puso niya. Gusto niyo malaman?Tsismoso din pala kayo...(peace!) eto na... tantananan...! Umalis na pala ang magtitinda ng puding sa tapat ng palasyo. Labis itong ikinalungkot ng dalawa pareho pala nilang paborito ang puding.(ang sweet) Dahil sa kalungkutan naging sandalan nila ang isat isa... At yun ang simula ng kanilang kacornihan(bitter =() Biro lang po. Ang totoo masaya ako para sa kanila. Naging maganda ang pagsasama ng dalawa. Nagustuhan siya ng amang hari dahil sa pareho silang mahilig maglaro ng crazy kart. Gayon din ang reyna na matagal na pala niyang friend sa friendster kaya wala na din problema.
Makalipas ang ilang linggo, ikinasal na nga sila. Nagkaroon ng bonggang bonggang kasalan sa palasyo. At pagkaraan ng ilang buwan nanganak si Cza-cza ng quadruplets. Masayang masaya ang lahat sa palasyo. Ako din masaya sa kinalabasan ng loves story nila. Sino nga ba ako dito sa istorya na ito? Para sa inyong kaalaman kahit papaano ay may nagawa rin naman ako dito ano.. Bukod sa pagiging may akda nitong kwento(secret lang ha) ako din ang pinakamatapat na tagapagsilbi sa palasyo, kaya hwag na kayo magtaka kung bakit alam ko mga istorya nila.Kaya kung may gusto pa kayo malaman tanong niyo saken ieedit ko itong istorya ko. Yun nga palang tindahan ng puding sakaling paborito niyo din ito hanapin niyo lang ang Pan de Pidro. Masarap ang puding nila.(nagpromote..haha)
“Hoy Jen! natutulog ka na naman..” mula sa boses na nagpagising sa aking nangangarap na diwa. Si Dawn pala yun. “Asan si prinsesa Cza-cza at haring Glenn?” tila nanaginip pa na sambit ko. “Anong hari hari at reyna ka dyan? Glenn at Czarina,oo may kaklase tayo na ganon pero hindi sila hari at reyna.. nangangarap ka na naman..” natatawa man ay tila naiintindihan na niya ako. Siguro nga maswerte ako sa pagkakaroon ng mga kaibigan na tulad nila na nasasanay na sa ugali ko. “ah.. ganon ba? nananaginip lang pala ako... ha’ay...” muli kong saad. “Ano? ewan ko sayo! tapos mo na ba yung kwento na sinusulat mo para sa retorika?”. Nagulantang ako sa sinabi niyang iyon. Ang alam ko nagsusulat ako kanina nakatulog na pala ako. Patay wala pa akong nasusulat. Pasahan na nga pala nun bukas. Dali dali akong tumakbo sa computer shop at minadali ang paggawa nito. Salamat sa panaginip na iyon na naging pampahaba din dito. Salamat na din sa aking mga sponsors tulad ni Vicky belo at Dr. Calayan na naginspired sa akin na sumulat.(charing!)
Pero di pa ako nagpapaalam tulad ng mga t.v. shows na huli ang pagbati, ay di ko yun ugali. Mahaba pa po ito. Huwag kayo magalala bawal ang short cut dito eh. Pahabaan po ito ng kwento. Alang alang po sa grades pagtyagaan niyo na ako. Narito ang karugtong na istorya.
Matapos ang aking araw sa unibersidad, oras na upang muli akong sumakay sa kahong tumatakbo. Uwian na iyon kaya isa na naman ako sa magiging masugid na taga abang ng masasakyan. Sabayan pa ng sigaw ng mga barker ang gutom ko, nakakapaginit talaga ng ulo ang maghintay. Agaw-agawan ang mga estudyante para makaupo. Mero namang ilang mapili talaga,gusto pa yata ng disgrasya. Bakit ko nasabi? Meron kasing mga sasakyan dito sa stop and shop na kung tawagin ay patok. Mga kaskaserong drayber na nakakabali na ng buto ng mga pasahero. Minsan ko silang nasakyan, ilang araw din na masaklit ang buong katawan ko.
Sa aking pag-aabang na iyon, naisip ko ang pagtangkilik pala sa mga pampasaherong sasakyang iyon, parang pagaasawa. Pili ng pili hanggang sa huli pangit na ang matitira. No choice kana.. masasabi mo na lang, “last trip na” kaya tatangkilikin mo na din kahit na may pagsisisi. Meron din naman na ayaw talagang tigilan ng sasakyan. Sila naman ang mga tumatandang binata at dalaga. Oh di ba may konek?
Dahil hindi naman ako mapili kaya ang tumapat sa akin..agad kong sinakyan,pagod na kasi ako. Para ding pagmamahal ko, agad ko siya minahal noon kaya unti unti na din akong napapagod.Ha’ayyyy.... nakakainis kasi bakit ba walang permanente sa mundo kundi pagbabago, ayan tuloy pati ang kwento ko nahahaluan ng kadramahan. Balik sa istorya.
Nakauwi na naman ako ng ligtas.. Ako’y natulog......natulog...... natulog...... at natulog....... natulog nga ako eh, wag ka magexpect na may istorya sa puntong ito. Tulog po ang may akda, bawal maistorbo.Bilin nga sa akin ng mga magulang ko, wag mong abalahin ang natutulog,tanda din yan ng paggalang.
At ako’y nagising at nagkwentong muli....
Umagang kayganda para sa akin. Walang pasok kaya naisipan ko munang magteks. Isa din kase akong adik sa teks. Siguro kasi yun ang uso ngayon sa mga kabataan na tulad ko. Karamihan nga sa gawain at libangang ito nakakahanap ng mamahalin. Hindi naman masama, kasi meron naman nagtatagumpay kahit na sa ganoon nga nagsimula.At meron din naman na hindi nagtatagal. Nasa nagdadala na rin siguro iyon. Mali man o tama, naiisip pa nga ba iyon ng mga nagmamahalan? Di ba may kasabihan nga tayo, “ Ang pagibig pagpumasok sa puso ninoman, hahamakin ang lahat masunod lamang”. Ngayon, Muli kong itatanong, may mali at tama pa ba pag nagmamahal ka na?
Hindi ko pa man nararamdaman ang magkanobyo, pero base sa mga kwento sa akin, parang naranasan ko na din. Masarap at masaya daw sa una. May kilig at tila ba wala ng makapaghihiwalay. Ngunit sa pagdaan ng panahon, unti-unting maglalaho lahat ng tamis. Lahat ng saya ay mapapalitan ng sobrang kalungkutan. Kalungkutan na parang walang katapusan pero di rin naman magtatagal. Kaya para sa akin, parte na talaga ng pagibig ang sakit. Kung walang sakit, walang pagibig. Di ba kaya nga tayo natutong bumangon kasi naranasan nating madapa. Kung hindi mo naranasan, hindi mo matututunan. Bilang paglalahat, sa pamamagitan ng sakit at pagkabigo, dun tayo magiging mas matalino at mabuting tao.
Sa mundo ko ngayon, madaming nagbago di tulad noong nasa highschool pa lamang ako. Noon, may mga bagay na di ko naiintindihan kaya hindi ko pinapansin. Hindi pala dapat ganoon. Ngayong kolehiyo, lahat ng bagay na di mo maintindihan, di mo maaaring hindi na lang pansinin,kinakailangan mo ng gumamit ng pag aanalisa at malawak na pang unawa. Maraming mga bagay na komplikado pero magegets mo rin naman sa pagtagal. Ang buhay paikot ikot lang, maaaring ang mga nangyari sayo mangyari rin sa iba o kaya vice versa. Kaya nga nasabi kong di mo dapat pagpaliban na lang ang pangyayari na di mo makuha kaagad ang ibig sabihin. [may matututunan din pala dito sa kwento ko kahit pano]
Tapos na ang weekends, kelangan na naman sumabak sa gera ng pagaaral. Pasukan na ulit kaya maaga akong gumising. Puyat man ako sa mga gawain sa skul na dapat kong tapusin, kailangan bumangon. Matapos ang ilang seremonyas, umalis na ako ng bahay.
Naglalakad ako noon papunta sa sakayan ng tricycle. Maya maya’y may tumigil na tricycle sa tapat ko at ako’y pinasakay na. Doon din pala ang punta sa pupuntahan ko, sayang nga naman ang pamasahe. Pagpasok ko sa loob.....
“Hi! anong pangalan mo?”,sang magaan at masayang tinig na nanggaling sa taong nasa loob ng tricycle. Napalingon ako sa pinagmulan ng tinig, napangiti ako. “Ako si Jen, ikaw anong pangalan mo?” tugon ko sa kanya. “ Ako si Thomas” nakangiti ding sabi ng bago kong kakilala. Uyy bagong pagibig ba ito? “Ilang taon ka na?” muling tanong niya sa akin. Nagaalangan man sapagkat tila interesadong interesado siya sa pagkatao ko, sinagot ko siya ng “ 17 lang”.. marami pang tanong ang namagitan sa amin bago ako bumaba. Ayaw ko man tapusin agad ang usapan namin ng bago kong kakilala, kinakailangan na dahil may pasok pa nga ako. Masakit sa loob ko na magpaalam agad sa kanya, wala akong magagawa. Kita ko ang lungkot sa gwapo niyang mukha at ang magandang ngiti sa mapupula niyang labi ay mabilis na napawi. Di ko maitatanggi na iba ang dating niya sa akin. Bukod sa itsura niya na tila bunga ng pagiibigan ng isang pilipino at foreigner, may damdamin na di ko naiwasan.
Naiibang saya ang makikita sa akin ng araw na iyon. Hindi ko alam pero parang naka stapler na yata ang ngiti sa mga labi ko. Ang gaan ng pakiramdam. Ewan ko kung ano ba itong nararamdaman ko, pero isa lang ang sigurado ako, si Thomas ang dahilan ng kakaibang ngiti sa akin ngayon. Parang wala akong problema ng araw na iyon. Ang oras sa pagaaral ay dumaan ng smooth at kaybilis. Siguro talagang di ko na lang napansin. Himalang di ako naiinip.”Sana makasabay ko siya ulit” lihim kong hiling.
Iba ang mga sumunod na araw sa buhay ko. Bawat umaga nananabik ako. Parang kasintahang gustong palaging makapiling ang kanyang minamahal. Hindi ako naiinip na maglakad. Hindi ako nagsasawang maghintay. Alam ko isa sa mga araw ng linggong iyon makikita ko siya ulit. Makakasabay ko siya. Muli kong masisilayan ang maganda niyang ngiti at ang gwapo niyang mukha. Magkukuwentuhan ulit kame at kikilalanin ang isa’t isa. Hindi ako mababagot sa byahe. Hindi ako magmamadali. Hindi ko papansinin ang oras. Lilipas ito sa amin ng di namin namamalayan na kailangan ko na ulit bumaba. Kailangan na ulit magpaalam pero di ako malungkot. Masaya ako dahil nakasama ko siya.
Ngunit, nagkamali ako.. Dumaan ang oras, ang araw, ang linggo, gayundin ang buwan. Walang Thomas akong nasilayan. Wala ang mga ngiti na hinihiling ko sa bawat sandali na muli kong makita. Walang kwentuhan na ninanais kong maulit. Wala siya. Ang lungkot naman. Ang tagal ng oras. Ang tagal ng byahe. Masakit sa tenga ang tunog ng tricycle.Malungkot ang bawat umaga. Gusto ko pa mang umasa, mukhang malabo na. Isang beses lang pala yun kala ko may kasunod pa.
Isang umaga, ang bigat ng pakiramdam ko. Masyado akong stress sa pagaaral. Ang daming exam. Ang daming requirements. Ang daming dapat problemahin. Nalimutan ko na si Thomas. Nakaget over na ako sa fever niya. Normal na ulit ako.
Naglalakad ulit ako noon patungo sa sakayan ng may tumigil na tricycle. Ang bilis ng kabog sa dibdib ko. Kakaibang damdamin ang bumalot sa akin.
“hi! anong pangalan mo? ako nga pala si Thomas, anong pangalan mo?” pakilala niyang muli. Aray! nalimutan niya na ako. Nasaktan ako sa kadahilanang inisip ko na iba ako sa tingin niya. Kung nagkataon pala na ibang tao ako, ganoon pa din siya. Ganoon pala talaga siya. Hirap kasi sa atin eh..., nag aasume tayo agad. Pero ayos lang sa akin, mahalaga nakita ko siya ulit. Nakakwentuhan at nakatawanan. Tulad ng gusto ko, nagkakilanlanan kami. Nakwento niya ang ilang mahalagang impormasyon tungkol sa kanya at gayon din ako. Dapat na akong makuntento.
Nang mga sunod na araw himalang palagi ko na siyang nakakasabay. Parang karaniwan na lang sa amin ang magkatabi sa upuan. Hindi na ako naiilang o nahihiyang ipakilala pa ang sarili ko. Lumalim ang aming relasyon, tinuring ko siyang parte ng buhay ko. Tulad ng pagturing ko sa aking mga kapatid,napamahal din siya sa akin.
Iyan ang kwento namin ng batang si Thomas. Anim na taong gulang pa lang siya at nagaaral sa kinder. Makulit at makwento siya. Nakakawala talaga siya ng pagod. Sa mga kwento niyang nakakapagpatawa sa akin, lumilipas ang oras sa amin na parehong nakangiti. Di ko maintindihan, ang gaan ng loob ko sa batang yon. Ang saya niyang kasama. Bata nga naman, walang kaeffort- effort na napapatawa niya ako. Buti pa ang bata, napakanatural lang.
Hindi katulad ng bata ang matanda. Maraming problema. Maraming iniisip. Pinapasan ang mundo sa balikat. Minsan nasabi ko nga sa sarili ko, sana naging bata na lang lagi ako.Hindi ko kinakailangan na maging matanda. Hindi ko makikita ang hirap. Hindi ko papansinin ang problema. Dadaan lang ang mga pagsubok ng hindi ako nasusugatan sa puso. Bata ako kaya masakit na sa akin ang mga sugat sa tuhod na natatamo ko dahil sa paglalaro, na mabilis gumaling. Band aid lang ang katapat. Ibang iba sa matanda na kailangan ang matagal na panahon para makabangon. Dahil ang sugat nila,malayo man sa bituka pero malapit sa baga, dahil ang sugat nila, sugat sa puso. Hindi kailanman matatakpan ng band aid.
Ang aming pagkakaibigan ni Thomas ay nagpapatuloy pa rin. Madalas ko na siyang nakakasabay. Pilyo din ang batang yon. Nung huli ko siyang nakasabay, nagpaalam siya sa akin. Gusto daw niya akong ligawan. Sagot ko sa kanya kung alam na ba niya ang ibig sabihin ng mahal tulad ng palagi niyang sinasabi sa akin. Sabi niya, oo daw. Love niya daw ako. Nakakatawa ininglish lang naman niya. Sana nga ganoon lang kababaw ang ibig sabihin ng pagmamahal. Pero hindi, hindi, hindi. Hinding hindi ganoon kadali. Dahil ang pagibig ay hindi magtatagal ng pagibig nga lang. Kung baga sa produkto, package. Kailangan ang paninindigan, pagtitiwala at katotohanan.
Emo man ang mga nasusulat ko dito, lahat may katotohanan. Hwag kang tumawa lang, tingnan mo ang aral na dapat mong matutunan. Alam kong may pagkakapareho din ang ilan nating mga karanasan. Hindi ko alam kung maikling kwento nga ba itong matuturingan, basta ang alam ko,ang pagbabasa nito’y hindi kawalan. Kwento ito ng buhay ko at ng araw araw na pakikihimok ko sa mundo ng matatanda.Hindi pa man ako nakakarating sa legal na edad,pero madami na akong nalalaman, yun nga lang ang ilan ay mga kalokohan. [hehe]
Ngayon, ano nga ba relasyon ng pamagat sa istorya kong ito? Ganito po kasi iyon...
Naglalakad ako noon sa isang kalye sa may edsa. Parang pag ibig ang trapik, hirap mag move on. Mainit at nakakasunog ng balat ang araw, wala kasi akong pamasahe para tangkilikin ang mga kahong tumatakbo. Tulad ng nakagawian, lumilipad na naman ang isip ko sa kung ano anung mga bagay. Isa na rito ay kung ano nga ba ang ilalagay kong pamagat ng kwento.Maya maya pa nabasa ko ang sign board ng MMDA. Nakalagay dito na bawal ang tao dito. Ayos ang mga paalala nila noh. Gumana ang malikot kong isipan, bakit nga ba bawal ang tao eh ang nasa loob naman ng bawat sasakyan mga tao din naman. Di ba dapat ilagay na lang nila bawal ang maglakad dito?
Tanong lang naman iyon. No big deal. Pero kung ikinonek mo ang title dahil sa nabasa ko habang ako’y naglalakad... Mali ka pa din. Gusto mo ba talaga malaman? Siguro sa mga pagkakataong ito habang binabasa mo ito gusto mo na akong batukan. Kool ka lang..heto na at ikukuwento ko na ang pinagmulan.
Dahil sa pagiisip na iyon, di ko napansin ang isa pang paalala na nagsasabing “Walang Tawiran, Nakamamatay”. Oh yan, related na sa kwento ang pamagat ko ha. Pero sandali lang, ikukuwento ko pa kung ano nangyari sa akin. Di ko napansin ang rumaragasang kahong tumatakbo. Sa bandang huli, nagawa ko ding masambit ang tawag sa kahong iyon....” nang dahil sa dyip”.. At tuluyan ko nang nilisan ang liwanag.. kasabay ng pagkawala ng kabuuang sakit na aking nararamdaman.Teka teka, kung iniisip mo na namatay na ako, puwes, nagkakamali ka. Nakapagsulat pa nga ako nitong kwento eh. Kung ano ang sunod na nangyari, narito ulit. Subay bayan mo.
Nagising na lang ako sa isang maputing lugar na iyon.Ang gaan ng pakiramdam parang wala akong nararamdamang sakit. Kataka takang nasagasaan ako pero wala akong galos. May nakita akong tao. Parang kilala ko siya, ngunit di ko matandaan. nilapitan ko siya para magtanong kung asan ako. Humarap siya sa akin. AHA! sabi ko na nga ba eh... “San pedro...patay na po ba ako?” tanong ko sa kanya... abala siya noon sa pagbuklat ng malaking libro kaya di nya agad ako napansin. Muli kong inulit ang tanong..”San Pedro patay na po ba ako?” . Di pa din niya ako pinapansin. Bakit kaya? natanong ko sa sarili ko. Bingi ba si San Pedro? Hindi naman siguro. Hinayaan ko na lang sya sa ginagawa niya. Naisip ko baka maya maya mapansin na din niya ako.
Ilang oras pa, ha’ay... sa wakas! napansin din ako ni Pedro. Nasaan na kaya ang manok niya? pero hindi yun ang tinanong ko sa kanya. Muli kong tinanong ang tanong ko kanina. Ngunit bakit pag tinatanong ko iyon, tumatalikod siya... Hindi ko siya maintindihan.
Mga ilang oras pa ulit ng siya ay humarap sa akin. Naisip kong ibahin ang tanong. “San Pedro bakit po tumatalikod kayo pag tinatanong ko kung patay na ba ako?” ang sabi ko sa kanya. At muli. tinalikuran na naman niya ako. Ano ba naman itong taong to, hindi ko maintindihan kung bingi ba siya o ano.. kabadtrip!
Sa pangatlong pagkakataon, nilingon niya uli ako. Naiinis man ako sa kanya ginagalang ko pa din siya. Hindi ako sumuko na ulitin muli ang tanong. Hindi din siya sumuko na talikuran ako. Nakakapagtaka na talaga. Ano bang problaema niya? Tagapagbantay ba talaga siya ng langit? Bakit ang bastos niyang kausap?
Matapos ang pang isang daan at isang tanong ko sa kanya, nakasimangot na siyang humarap sa akin. Tila galit na ang tagabantay ng langit. Hala! lagot ako... itapon niya kaya ako sa impyerno? Hwag naman sana... Ayokong magdusa kasama ang mga kampon ng kasamaan at ang hari nilang si satanas. Kaya nanahimik na lang ako. Lumingon man siya sa akin, hindi na ako nagtatanong.
“ Ha’ay sa wakas....tumigil ka din” ang sabi niya sa akin. May pagtatakang lumingon ako sa kanya. Gusto kong magtanong subalit natatakot akong magsalita dahil baka talikuran na naman niya ako.
Bakas siguro sa mukha ko ang pagkalito kaya naawa siya at sinabi kung saan ako naroroon. “ Nandito ka sa ospital miss” natatawa at tila naiinis niyang sabi. Hindi ako nakapagsalita kaya itinuloy na niya ang pagkukuwento. “Kung nagtataka ka kung bakit di kita sinasagot kanina... siguro alam mo na din ang sagot ngayon.Hindi ako si San Pedro.Ako ang naatasang magbantay sayo dito. Wala pa kasi yung nanay mo bumili ng pagkain mo dahil tiyak daw gutom ka paggising mo” paliwanag niya sa akin. Napahiya man ako, natawa na lang ako ng palihim. Naitanong ko na lang sa kanya kung ano yung hawak niyang libro kanina. “ ah.. yung libro ba?Nursing student kasi ako.. kaya ganoon kakakapal ang libro na binabasa ko” nakangiting sagot niya.At maliwanag na sa akin ang lahat.
At bilang moral lesson nitong maikling kwento ko...
“Hwag kayong magiisip ng title ng kwento niyo pagnaglalakad kayo sa Edsa.. dahil baka pagkamalan niyo ding sugo ng langit ang nurse sa ospital. At isa pang paalala, laging pansinin ang sign board ng mmda na....WALANG TAWIRAN; NAKAMAMATAY!”
CREDITS TO :
MS. ANN JENINA MARANAN
3-D ABE
haha... my cousin....
No comments:
Post a Comment